Isang 19-anyos na estudyante ang patay matapos pumailalim siya sa kasalubong na trailer truck sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur, Miyerkoles ng umaga.
Ayon kay Police Cpl. Jaymar Sierra, tagapagsalita ng Sipocot Municipal Police Station, pumailalim sa trailer truck ang motorsiklo ng biktima na si na si Jason Escanilla nang mawalan siya ng kontrol habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng kalsada sa sa Barangay Taisan.
Sugatan naman ang pinsan at backride ng biktima na isa ring estudyante.
Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang driver ng trailer truck habang hinihintay ang desisyon ng pamilya ng mga biktima sa pagsampa ng kaukulang kaso.
– Aksidente sa Bataan, Iloilo –
Sa bayan ng Mariveles, Bataan naman, isang 41-anyos na driver ang nasawi matapos mawalan ng kontrol sa kaniyang minamanehong tricycle na puno ng mga kargang metal bar.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga kargang metal bar ang tricycle ay may bigat na 300 kilo at inarkila umano ng isang security guard.
Kinilala ang biktima na si Ronnie Pulido na taga-Barangay Camaya, Mariveles.
Sa hindi malamang dahilan, kaagad na umalis ang sugatang sakay na security guard matapos ang aksidente papunta sa direksyon ng Barangay Malaya.
Samantala, sa Passi City, Iloilo, apat ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang kotse.
Sa imbestigasyon ng Passi City Police, sakay ang apat na biktima sa kanilang kotse mula sa lalawigan ng Aklan at pagdating sa lugar ay biglang pumutok ang gulong ng nasa unahan ng kotse, dahilan para mawalan ng kontrol ang driver.
Bumangga sa poste ng kuryente ang kotse atsaka nahulog sa bangin. May taas na 30 talampakan ang bangin kung saan nahulog ang kotse.
Ligtas at patuloy na ginagamot sa ospital ang apat matapos magtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan. – Ulat nina Karren Canon, Gracie Rutao at Rolen Escaniel
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.