PatrolPH

Tulong hatid sa mga residente ng Caloocan subdivision na apektado ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2021 08:53 PM

Tulong hatid sa mga residente ng Caloocan subdivision na apektado ng lockdown 1
Hinatiran ng ayuda ng ABS-CBN ang mga residente at manggagawa ng isang subdivison sa Caloocan City na naapektuhan ng pagpapatupad ng lockdown.

Isa sa mga unang na-lockdown noong isang taon nang magsimula ang community quarantine ang Kingstown 2 Subdivision sa Bagombong, Caloocan, kung saan nagsisilbing maintenance personnel ang 53 anyos na si Virgillo Boroa.

Dahil naulit ang mahigpit na lockdown sa lugar kamakailan, nabawasan ang pasok ni Boroa at lumiit ang naiuuwing sahod.

"Dati sasahod kami ng P9,000 monthly, ngayon wala na... walang pumapasok na income dahil sa pandemic na 'to," ani Boroa.

May 6 na anak si Boroa kabilang ang 3 nag-aaral. Wala namang trabaho ang kaniyang misis kaya malaking bahagi ng kanilang pang-araw-araw na panggastos ay galing sa sahod ng padre de pamilya.

"Mahirap kasi minsan walang makain. Kape nga po mahirap talaga," ani Boroa.

Watch more on iWantTFC

Napilitang bawasan ng subdivision ang pasok ng mga manggagawa para maiwasan ang pagkawala ng mas maraming trabaho.

Marami rin sa mga residente ang nawalan ng hanapbuhay na nakaapekto sa pagbabayad ng homeowners' association dues at iba pang mga bayarin.

"Kasi 'yon lang naman ang aming income... doon namin kinukuha para sa mga personnel. Kaya kung wala magbabayad, apektado talaga sila," sabi ni Leon Abante, treasurer ng homeowners' association.

Madudugtungan na ang konusmo nina Boroa sa dalang relief packs ng ABS-CBN, na ibinigay sa higit 800 pamilya ng Kingstown 2.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.