TINGNAN: Diskarte ng ilang pamilya para ma-enjoy ang tag-init kahit naka-lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:00 PM

Kani-kaniyang diskarte ang naisip ng ilang magulang taga-rehiyon para ma-enjoy ang tag-init kahit pa man naka-home quarantine. Photos courtesy: Christian Ryan Manguita, Lea Torren, at Marinielle Umawing

Kani-kaniyang diskarte ang naisip ng ilang magulang taga-rehiyon para ma-enjoy ang tag-init kahit pa man naka-home quarantine. 

Sa isang malaking kawali pinalangoy ni Christian Ryan Manguita ang kaniyang mga anak sa San Fernando City, La Union. 

"Mahilig magswimming ang aking mga anak kahit malapit kami sa beach pero dahil naka ecq tau ngaun, nag isip kami ng paraan ng aking misis kung paano sila mag enjoy,” ani Manguita.

Ginawa rin nilang improvised swimming pool ang likod ng kanilang pick-up car. 

Ang nanay na si Lea Torren mula Kabayan, Benguet, garden pool ang ginawa sa kanilang bakuran. 

Ideya umano ito ng kaniyang dalawang anak na lalaki. 

"Naisip po nila kumuha ng apat na tabla, pako, mga sira-sirang tents sa scouting tapos ung mga sira sirang plastik na ginagamit sa green house un po ung mga ginamit sa pool na kanilang ginawa,” ani Torren. 

Para mas magandang tingnan, nilagyan ni Torren ng mga bulaklak ang paligid para magmukhang garden pool. 

Camping naman sa loob ng bahay ang ginawa ng pamilya ni Marinielle Umawing mula Santol, La Union. 

Ito aniya ay para hindi masyadong magbabad sa computer ang kaniyang mga anak. 

“I simply inserted there cloth or mga curtain kapag may event ako tapos fastening them with double sided tape at safety pin tapos ginawa ko siyang shape na roof tapos naglagay na rin ako ng mga paper decorations and plastic leaves para maging ka aya aya ang kanilang camp,” ani Umawing. 

Sinamahan pa nila ito ng food trip para maramdaman ang camping. 

Nananatili sa enhanced community quarantine ang probinsiya ng Benguet, habang ilalagay sa general community quarantine ang Region I, kung saan kasama ang La Union, simula Mayo. 

— Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.