Tinderong nagpanggap na sundalo, nahulihan ng baril, alak sa QC checkpoint

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:55 AM

Arestado ang isang lalaking tinderong nagpanggap na sundalo dahil sa paglabag sa liquor ban at pagdala ng baril sa quarantine checkpoint sa Payatas Rd., Quezon City nitong Lunes ng madaling araw. 

Ayon kay Batasan Police Chief Police Lt. Col. Romulus Gadaoni, walang maipakitang travel permit ang 31 anyos na lalaki na sakay ng pick up truck nang parahin sa checkpoint. 

Iginiit ng lalaking isa siyang personnel ng Armed Forces of the Philippines pero wala ring naipakitang ID.

Nakumpiska sa suspek ang mga bote ng alak, isang 9mm na baril, at mga bala ng baril.

Mahaharap siya sa patong-patong na kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.