Shuttle service para sa mga may sakit alok sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 03:52 PM

May alok na shuttle service ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa mga residente nitong magpapa-medical treatment o checkup sa mga ospital sa loob at labas ng lungsod.

Ayon sa Taguig local government, kabilang sa mga maaaring makinabang sa "Libreng Hatid at Sundo para sa mga May Sakit" program ang mga taga-Taguig na kailangang magpa-dialysis, chemotherapy o radiotherapy session, o check-up sa mga ospital sa Taguig o iba pang lungsod sa Metro Manila.

Puwede ring makinabang ang mga person with disability sa serbisyo.

Para sa mga nais ma-avail ang serbisyo, kailangan lamang tumawag sa 0961-734-0834 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, 2 araw bago ang nakatakdang check-up o treatment.

Dapat ding ipabatid nang maaga sakaling makansela ang check-up o treatment.

Magugunitang nasuspende ang pampublikong transportasyon mula noong Marso matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19. -- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.