Proseso sa pagbigay ng ayuda para sa kwalipikado pero 'di nabigyan ng cash aid pinaplantsa

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 12:20 PM

MAYNILA - Pinaplantsa na ng Department of Social Welfare and Development ang kwalipikasyon sa pamimigay ng ika-2 bugso ng ayuda para sa mga hindi pa nakakakuha sa ilalim ng Social Amelioration Program. 

Pinapayuhan ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje ang mga hindi pa nakakakuha ng tulong na magparehistro o umapela sa kanilang barangay kung naniniwala silang kwalipikado silang makakuha ng tulong. 

"Ito po ay tinatrabaho ng DSWD ngayon kung papaano ang magiging kalakaran doon sa mga left out na tinatawag," ani Paje. 

"Sa ngayon, yan din ang tinatrabaho natin bago matapos ang buwan sapagkat dapat mabigyan din natin sila ng ayuda," dagdag niya. 

Titingnan din ng DSWD ang mga apela at isusumite ang listahan sa mga economic manager para maaprubahan. 

Sinabi ito ni Paje kasunod ng pagtiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte gabi ng Lunes na lahat ng kwalipikadong hindi pa nabibigyan ng ayuda ay mapagkakalooban din ng cash aid. 

"'Yung hindi pa nakatanggap, let us know by radio or what... Or doon sa mayors ninyo. Yun ang ating configuration ng gobyerno natin. Governors, mayors, municipal mayors, city mayors, barangay captain. 'Yan, mag-report kayo diyan and it's just a matter of using a cellphone," ani Duterte sa talumpati Lunes. 

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, pagsapit ng Mayo ibibigay ang ika-2 bugso ng SAP. 

Kaya aniya, panawagan niya sa mga lokal na pamahalaan na iproseso na ang mga SAP form.

"Kahapon po ay nagpalabas ng direktiba si Sec. Año that all LGUs have until the end of the month to complete the distribution of the first tranche of the Social Amelioration Program so meron pa po silang 3 araw para ubusin ito na ipamigay sa ating mga kababayan," ani Malaya. 

Aminado ang DILG na medyo mabagal ang pamamahagi sa ilang urban areas partikular na ang Metro Manila at Calabarzon, dahil sa sobrang dami ng tao, limitasyon sa mga tauhan, at pahirapang pag-validate sa listahan. 

Naghahanap na rin aniya ang Department of Budget and Management ng mapagkukuhanan ng karagdagang P31.7 bilyon para mapondohan ang ayuda ng mga pamilyang hindi pa naisama sa listahan ng social amelioration program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.