'Parang binuhusan ng yelo': Nurse na nakipaglaban sa COVID-19 diskriminasyon ang pangamba

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 06:32 PM | Updated as of Apr 29 2020 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ibinahagi ng isang nurse sa Liliw, Laguna ang kaniyang naging laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Labinlimang taon nang naninilbihan bilang nurse si Evelyn Arquiza sa intensive care unit ng isang pribadong ospital sa Laguna. 

Abril 1 nang ilagay siya sa isolation sa loob mismo ng kanilang ospital dahil may nakasalamuha syang tao na nagpositibo sa COVID-19. 

Wala naman daw siyang sintomas na nararamdaman kundi kaunting kati sa lalamunan. 

Abril 4 nang sumailalim naman siya at ng ibang kasamahan sa swab test. 

"Kinakabahan po kami, di po namin alam kung ano yung magiging resulta, ano kalalabasan, paano mangyayari sa pamilya namin? Ganoon-ganun po parang torture po sa amin yun kasi unang-una, ang nasa isip namin yung madi-discriminate kami kasi ang mga nurses usually kahit walang COVID, nadi-discriminate sila sa ibang lugar,” ani Arquiza. 

Nang lumabas na nagpositibo rin siya, una raw niyang naisip ang kaniyang pamilya, kahit na ilang linggo na siyang hindi nakakauwi. 

Pangamba niya ang diskriminasyon dahil sa mga sinapit din ng mga kapwa niyang nurse. 

"Parang binuhusan ka ng malamig na yelo, nanginginig ako. Mayroon kaming mga nakikita, mga kasamahan namin sa trabaho mga bahay po nila, yung mga bahay nila, hinaharangan ng bakod, kawawa naman. nasa ospital naman po kami naka-quarantine, may mga nagpo-post ng picture, hinarangan po sila,” ani Arquiza. 

Walang ginawa si Arquiza kung hindi magdasal at magpalakas ng katawan para gumaling. 

Lumabas noong isang linggo na negatibo na si Arquiza sa sakit. 

Pero hindi pa rin aniya siya nakakauwi at kasalukuyang tinatapos ang dalawang linggo pang quarantine. 

Pamilya ang nagpapatibay kay Arquiza. 

"Tinatawagan ko lang po sila sa Messenger, lagi ko sila kinakamusta kung wala sila nararamdaman kasi syempre wala ako doon buti na lang po maraming tumutulong, wala ako magawa, di ako makapagpadala ng suporta, mga kamag-anak [crying] mababait sila, napapadalhan nila ng tulong di sila mahirapan sa pagkain,” aniya. 

Panawagan ni Arquiza, sana raw ay hindi makaranas ng diskriminasyon ang mga frontliner at ang kanilang mga pamilya sa panahon ngayon. 

Pagkatapos, nais ni Arquiza na makauwi sa mga kaanak at bumalik sa ospital para makatulong. — Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.