MAYNILA (3rd UPDATE) - Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang umano’y pangmamaltrato ng ilang awtoridad sa isang hinihinalang lumabag sa quarantine protocol sa Barangay South Triangle sa siyudad noong hapon ng Lunes.
Sa kuha ng uploader na si alyas "Reling," matatanaw ang 5 hanggang 6 kalalakihan na nakauniporme ng Task Force Disiplina ng QC government na hinahataw ng yantok at pinagsusuntok ang isang lalaking nagtitinda umano ng isda sa lugar bandang ala-1 ng hapon ng Lunes, Abril 27 sa tabing-kalsada sa tapat ng isang condominium sa Panay Ave.
"Ngayon lang ako nakakita sa buhay ko na daig pa sa kriminal 'yung pinagtutulung-tulungan nila. Palo, padyak hindi naman lumalaban ang tao. Na isa lang ang sinasabi niya na 'Wala akong ginagawang masama,'" ani Reling.
Maririnig din ang lalaki, na ayon sa uploader ay may mental disorder umano, na sumisigaw sa sakit ng paghataw sa kaniya. Binuhat pa nang tila parang baboy ang lalaki pasakay ng service.
Ayon sa nag-upload ng video sa social media, ipinasa lang umano sa kaniya ng kakilala ang video. Burado na ngayon ang video, na nauna nang kumalat sa Facebook, para sa seguridad ng kumuha nito.
BABALA: Ang video ay nagpapakita ng marahas na pangyayari.
Kalauna'y kinilala ang lalaki na si Michael Rubuia, 38 anyos.
Marami sa mga residente ang nabahala sa nakita at pinagsabihan ang mga lalaki, pero nakipagsagutan pa ang mga lalaki sa kanila. Ayon naman sa mga residente, isa itong pag-abuso sa kapangyarihan.
Ayon naman sa nag-upload, na-trauma siya sa pangyayari at naawa dahil walang kalaban-laban ang biktima.
Bago pa mag-lockdown, binigyan na ng puwesto sa lugar ang lalaki para mag-tinda ng isda at tumulong sa water refilling station sa lugar, ayon sa concerned citizen.
Samantala, magkasamang takot at galit ang naramdaman ng isang Bayan Patroller nang makuhanan niya ng cellphone video ang marahas na pag-aresto sa lalaki.
Depensa ng kawani ng barangay, hindi taga-roon ang vendor at 3 beses na umano nila itong pinaalis pero pabalik-balik pa rin ito.
"Pinapaalis na namin, eh hindi taga-roon. Nagsasalita pa ng mga bad words doon sa barangay tanod natin. Ngayon dumating ang team ng Task Force Disiplina. Ang sabi namin: hindi iyan taga-rito," ani Ariel Morales, traffic chief ng barangay.
"Malumanay po ang pagtatanong sa kaniya ng task force," dagdag niya.
Nagrereklamo umano ang mga taga-condominium sa dumaraming nagbebenta sa lugar.
Depensa rin ng isa sa mga rumespondeng barangay official na binastos umano sila ng lalaki.
Nakapiit ngayon sa Quezon City Police District Station 10 ang lalaki, na kinasuhan ng resistance and disobedience to a person in authority.
Sa isang pahayag, sinabi ng Quezon City government na kinokondena nila ang insidente.
"The City Government shall never condone any acts of violence or violation of human rights, regardless of reason or justification, especially when committed by an official or employee of the city government or any of the city’s barangays,” anila sa pahayag.
Kakasuhan anila nila ang sino mang mapapatunayang lumabag sa batas sa nangyaring insidente.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan na ayusin ang pakikitungo sa mga kinasasakupan ngayong may enhanced community quarantine.
"All its personnel and agents are strongly reminded to always conduct themselves with proper decorum and restraint, and to observe compassion and tolerance especially in these difficult times," anila.
Nangyari ang insidente halos isang linggo matapos barilin ng isang pulis ang isang dating sundalong may post-traumatic stress disorder sa Quezon City.
Ayon naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, "as a general rule, authorities have the right to use force proportional to threat."
"QC Mayor (Joy Belmonte) will probe and I have full faith in her. I believe she will accord impartial investigation," dagdag niya.
Nitong Lunes, nag-viral din ang gulo sa pagitan ng isang dayuhan at pulisya sa isang exclusive village sa Makati matapos umanong lumabag ang dayuhan sa quarantine protocol.
BABALA: Ang video ay nagpapakita ng marahas na pangyayari.
IMBESTIGASYON
Ayon kay QC legal officer Nino Casimiro, kukuhanin ng mga awtoridad ang mga salaysay ng mga nakasaksi sa insidente.
Bineberipika pa umano nila ang ulat sa kanila ng task force na nagpositibo sa drug test si Rubuia. Sinabi rin umano sa kanila na hindi nakasuot ng face mask ang lalaki nang mangyari ang insidente.
"Ang salaysay... Itong tauhan ay medyo bayolente at ang nakita na sinabi ng task force ay nagpositibo sa drug test but we have to verify this," ani Casimiro sa panayam sa programang TV Patrol.
Pero giit niya, hindi pababayaan ang mga posibleng paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa insidente.
"They (mga pulisya) are adhered to exercise maximum restraint, and maximum tolerance," ani Casimiro.
Nababahala rin ang Commission on Human Rights sa nangyaring insidente, ayon sa tagapagsalita na si Jacqueline De Guia.
"Nababahala tayo sa ating napanood dahil maraming palaisipan sa insidente, inendorso na sa investigation officer para magsagawa ng imbestigasyon," ani De Guia.
Babantayan din ng CHR ang pag-imbestiga ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa insidente.
"We don’t discount the efforts done by our frontliners… Kaya lang sa pagpapatupad ng quarantine sana hindi military approach at alalahanin na isa itong health measure order and having been said hindi kinakailangan ang dahas. If nalagay sa peligro ang kanilang buhay mayroong mga strict requirements ang batas," ani De Guia.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, QC government, viral, social media, quarantine, quarantine violators, Task Force Disiplina, Barangay South Triangle, vendor,