Municipal worker sa Iloilo 'binaril' ang katrabaho habang nakikipag-inuman sa munisipyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 03:59 PM | Updated as of Apr 28 2020 06:35 PM

Narekober na baril mula sa 56 anyos na dawit sa pamamaril ng katrabaho habang nag-iinuman sa loob ng munisipyo sa Iloilo City. Barotac Nuevo police

BAROTAC NUEVO, Iloilo — Arestado ang isang 56 anyos na municipal worker matapos umanong patayin sa pamamaril ang katrabaho habang nakikipag-inuman sa municipal office ng bayan na ito, gabi ng Lunes. 

Tagabantay ng munisipyo ang suspek, ayon kay Police Maj. Ramel Sarona, officer-in-charge ng Barotac Nuevo police. 

Ayon sa mga awtoridad, nag-iinuman sa loob ng munisipyo ang biktima, ang suspek, at ang 4 iba pang katao nang magkuwento ang suspek. 

Sumabat umano ang 32 anyos na biktima, dahilan para umano'y mapikon ang suspek at barilin ito. 

Dinala sa ospital ang biktima pero dead on arrival na ito. 

Nahuli ang suspek at narekober dito ang .9 caliber pistol. 

Wala namang alitan ang dalawa, ayon sa Barotac Nuevo police kaya tinitingnan nila kung dala ng kalasingan ang nangyaring krimen. 

Posibleng maharap sa kasong Illegal possession of firearms, homicide at posibleng paglabag ng liquor ban ang suspek. 

Inaalam na ng PNP kung bakit armado si Pestaño habang naka-duty at kung saan sila nakabili ng alak dahil ipinagbabawal ngayon ang pagbebenta ng alak habang nasa enhanced community quarantine. 

-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.