Mocha Uson, nagpaliwanag sa kawalan ng physical distancing sa pagtitipon sa Batangas

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:17 AM | Updated as of Apr 28 2020 01:24 AM

Nagpaliwanag si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson sa kawalan ng physical distancing sa isang pagtitipon na kaniyang dinaluhan sa Lian, Batangas.

Sa panayam sa telepono sa ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Uson na nagtipon-tipon na ang mga overseas Filipino workers sa lugar bago pa man siya dumating.

"On our part eh since hindi nga maganda ang dating nito na mass gathering nga ang itinatawag nila though mayroon namang social distancing, napagdesisyunan namin na gagawa na lang kami ng mga leaflets itong mga reminders at ipapadala na lang namin sa kanilang mga kwarto kasabay ng mga foods nila," aniya.

Sinadya ni Uson ang 322 OFW na sumasailalim sa mandatory quarantine sa isang resort sa Lian noong Sabado ng umaga para umano paalalahanan ang mga ito na huwag lumabas ng kuwarto. Nakarating umano sa kaniya ang sumbong at napanood ang video sa social media na may ilang OFW na pumupunta sa tabing-dagat.

"Humihingi po kami ng pasensya kung yung ibang pasaway nating OFWs ay lumalabas at nagpupunta sa may beach area pero napagsabihan na po namin sila and we take it as constructive criticism, yung sinabi nyo yung mass gathering though we observe social distancing di naman kami ganung katagal nagbigay ng paalala sa mga OFWs," ani Uson.

May pasaring naman ito sa mga batikos sa kaniya.

"Ganiyan naman talaga kahit ano namang gawin natin may masasabi at masasabi ang iba ang pakiusap lang natin lahat naman tayo dito ay apektado ng COVID, ano na lang po konting pang-unawa, suporta," ani Uson.

Nanawagan naman ito sa publiko na huwag katakutan o pandirian ang mga OFW na umuuwi sa bansa.

Sa huli nagpasalamat ito sa lokal na pamahalaan ng Lian, sa pagtanggap sa kanila.