Mga vendor sa UP Diliman nakikipagsapalaran para kumita ngayong may lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 07:25 PM | Updated as of Apr 28 2020 10:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mula pa noong Marso nakasara ang campus ng University of the Philippines - Diliman dala ng enhanced community quarantine sa Luzon kaya walang vendor na makikita sa paligid ng unibersidad. 

Kaya naman may ilang nakikipagsapalaran, gaya ng isang vendor na nagbebenta ng mangga para kahit papaano ay magkapera. 

Ayon sa vendor, namimitas siya ng mga mangga sa paligid ng campus para kumita

Sa labas naman ng UP Campus nagbebenta ang magtataho na si Rodney Opilda. Aniya kasi, 5 pa ang kailangan niyang pakainin. 

"ito lang talaga yung hanapbuhay ko sa pamilya ko. Ito lang kinukunan pang-araw-araw sa'king mga anak," ani xx. 

Umaaray rin ang mga sorbetero ng negosyanteng si Jun Larano ngayong may krisis sa coronavirus. 

Hindi na raw nila malaman kung saan kukuha ng mapapakain sa kanilang pamilya. 

"Kahapon eh halos wala daw silang masaing, nagtext sa'kin. Sabi ko... nagbigay ako sa kanila ng bigas. Bigas namin mga isang sako, pinaghati-hati ko taglilimang kilo para magkaroon din silang maisaing," ani Larano. 

Sa kapitbahay naman nagbebenta si Alica Valencia ngayong sarado ang kaniyang karinderya. 

Para bumawi, nagtitinda muna siya ng gulay. 

"Kasi po kung hintayin namin na matapos itong COVID, wala talagang ano... Wala pong ano, pang-araw-araw," ani Valencia. 

Pero may mga vendor tulad ni Narry Fernandez, presidente ng Samahan ng mga Manininda sa UP campus na umaasa lang sa mga nakukuha kapag may relief operations. 

"Parang nag-aano din ako sa sarili ko. Sana kami din, dapat meron din kaming ah... May pagkakataon na magtindang ganyan, kasi wala naman po kaming maaasahan kasi nga po parang lumalabas na 'no work no pay' din kami. Dahil nasa informal economy kami," ani Fernandez. 

Isa siya sa maraming miyembro na hindi pa umano nabibigyan ng tulong-pinansiyal sa ilalim ng social amelioration program. -- Ulat ni Jorge Carino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.