Mas malaking quarantine facility sa Bilibid inihahanda na: DOJ

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 04:29 PM | Updated as of Apr 28 2020 06:40 PM

MAYNILA — Inihahanda na ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mas malaking quarantine facility sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na pansamantalang tutuluyan ng mga bilanggong magpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tatawagin ang pasilidad na "tent city" na itinatayo ngayon sa compound ng Bilibid.

Paliwang ng Guevarra, sa ngayon ay doon nakasentro ang trabaho ng BuCor para maserbisyuhan ang mga COVID-19 patients na bilanggo. 

Sa huling ulat, umabot na sa 48 inmates ang nailipat sa Bilibid matapos nilang magpositibo sa COVID-19. Ang huling 27 ay galing sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Nauna nang umalma ang ilang komunidad sa Muntinlupa City na kinukuwestiyon ang paglipat sa Bilibid ng mga COVID-19 positive na bilanggo. 

May nakabinbin din sa Korte Suprema na petisyon para mapalaya ang ilang nakakulong para mabawasan ang congestion sa bilangguan. Kinokontra ito ng Office of the Solicitor General.


—May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.