Malacañang, nagbabala laban sa mga ospital na humihingi ng deposito bago tumanggap ng pasyente

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 12:47 AM

Nagbabala si presidential spokesperson Harry Roque nitong Lunes laban sa mga ospital na humihingi ng deposito bago tumanggap ng pasyente. 

Aniya, hindi palalagpasin ng gobyerno ang napa-ulat na 28 anyos na babae na taga-Caloocan na namatay sa panganganak matapos tanggihan ng nasa anim na ospital dahil hindi makagbigay ng deposito na P30,000.

"Ikukulong po natin lahat iyong mga doktor, lahat ng may-ari ng mga hospital na naging dahilan kaya po namatay itong pasyente na ito," ani Roque.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10932, o ang Anti-Hospital Deposit Law, ipinagbabawal ang paghingi ng mga ospital ng deposit sa isang pasyente bago ito tanggapin, ayon kay Roque.

Maaari ding mapakulong ang mapapatunayang tumanggi sa pasyente dahil walang maibayad na deposit sa ospital. 

Nangako rin aniya ang Department of Justice na iimbestigahan ang pangyayaring ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.