LGUs na di maibibigay ang cash aid hanggang Abril 30 mananagot: Palasyo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 05:10 PM

MAYNILA — Nagpaalala ang Malacañang nitong Martes sa lahat ng local government units (LGU) na dapat matapos nila hanggang sa April 30, Huwebes, ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP). 

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, 3 araw na lang ang natitira para maibigay ang SAP na nakalaan sa pinakamahihirap na pamilyang sapul ng enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa ilalim ng SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa P5,000 hanggang P8,000 ang maaaring matanggap ng kwalipikadong pamilya. 

Babala ni Roque, na tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, malilintikan ang local chief executives na papalya sa pamamahagi ng SAP. 

"Magkakaroon na po ng show cause order kung bakit hindi sila dapat panagutin administratively and criminally. They may be liable for dereliction of duty," sabi ni Roque.

Itinatag ang SAP sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang batas na ipinasa bilang tugon sa COVID-19 pandemic. 

Nasa ilalim pa rin ng lockdown ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa hanggang Mayo 15 para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.