Lalawigan ng Davao de Oro magtatayo ng COVID-19 testing center

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 08:45 PM

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Davao de Oro noong Abril 13 ang P84-million supplemental budget para sa food security plan at contingency measures laban sa posibleng panibagong wave of infection ng COVID-19.

Inilaan ang P69 million na pondo galing sa Bayanihan Grant to Provinces para sa pagtatayo ng sariling testing laboratory sa Davao de Oro para mas madaling malaman ang resulta ng coronavirus testing ng mga residente..

Itatayo ang pasilidad sa provincial hospital ng Montevista.

May gene expert machine ang ospital na ginagamit nila noon sa pag-test ng sakit na tuberculosis. Plano nilang gamitin ito ngayon para sa pagsusuri ng genetic code ng virus gaya ng COVID-19.

Kayang mag-test ng makina ng apat na samples sa loob ng 45 minuto. Mas mababa ito sa testing capacity ng RT-PCR (Reverse transcription polymerase chain reaction) machine, ang sinasabing gold standard sa COVID-19 testing, na kaya ang 60 samples, ay kay Dr. Ferdinand Anthony Soberano, Provincial Economic Enterprise Management Office head.

Kapag naaprubahan na ang proyekto, dito na gagawin ang testing at ang pagbasa ng resulta ng COVID-19.

Ituturing ito na ikalawang sub-national testing site ng infectious, emerging and re-emerging diseases sa Mindanao kasunod ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).

Sa ngayon, sa SPMC pa ginagawa ang testing ng swab samples ng suspect at probable cases ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.