Lalaking nagpuslit umano ng alak, nakasagasa ng magsasaka sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:51 AM

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya — Patay ang isang magsasaka matapos masagasaan ng kotse sa national highway ng Barangay Buenavista sa bayan ng Bayombong noong Sabado ng hapon.

Naglalakad sa gilid ng kalsada at papunta sana sa kaniyang bukid si Jose Parzan, 54-anyos, nang dumating ang isang rumagasang kotse.

Sapul sa kaniyang likod ang biktima na tumilapon ng ilang metro sa bukid. Naidala pa siya ng rescue team sa ospital, pero pumanaw habang ginagamot.

Tumakas naman ang drayber ng kotse na kinalaunan ay natunton ng mga pulis sa katabing bayan ng Bambang.

Hindi na nakapalag ang 35-anyos na construction worker nang siya ay arestuhin.

Natagpuan din sa kaniyang kotse ang ilang bote na may lamang alak.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Marzel Goloyugo, pinasuri na nila ang suspek kung lasing ito nang magmaneho.

Tinitignan din ng mga pulis ang posibilidad na nagmadaling makalusot sa checkpoint ang suspek dahil sa dalang kontrabando kaya nangyari ang aksidente.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom at pagbebenta ng alak sa Nueva Vizcaya alinsunod sa enhanced community quarantine na hakbang para mapag-ingat ang publiko sa banta ng coronavirus disease 2019.

Nasampahan na ang suspek ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa umiiral na ECQ. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.