Kulang na ayuda daing ng mga taga-Cavite na na-relocate mula Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 05:35 PM | Updated as of Apr 28 2020 07:32 PM

Umalma ang mga na-relocate na pamilya sa Naic, Cavite mula Maynila dahil hindi umano sapat ang ayudang natatanggap nila. Dennis Datu, ABS-CBN News

Itlog na lang ang niluto ni Rolindo Flores para sa tanghalian ng kaniyang 4 na anak. Ubos na kasi umano ang kakarampot na relief goods na natanggap nila.

"Kung bibigyan kita ng relief [na] 2 kilo [ng bigas] at 2 de-lata, kasya po ba 'yon sa loob ng 10 araw? Hindi po 'di ba? Paano po kami magiging okay?" ani Flores sa panayam ng ABS-CBN News.

Nakatira si Flores sa Erika Louise Ville sa Barangay Malainen Bago sa bayan ng Naic, Cavite — isang relocation site ng higit 900 pamilya mula Tondo, Maynila.

Pare-pareho ang reklamo ng mga nakatira sa relocation site tungkol sa kulang na ayudang natatanggap.

"Hindi nga po kami tatamaan ng virus... pero masisiraan po kami ng ulo kung saan kami maghahagilap ng kakainin namin sa bawat araw," anang residenteng si Ismael Palma.

Pero ang mas ikinakasama ng loob ng mga taga-Erika Louise Ville ay bukod sa hirap na sila sa pagkuha ng pagkain, hindi pa umano sila kasama sa social amelioration program.

Hindi raw kasi sila rehistrado sa Naic dahil 2019 pa lang sila nakalipat sa bayan.

Umapela na sila kay Manila Mayor Isko Moreno pero hindi sila napapansin.

Nagpaskil na lang ang mga taga-Erika Louise Ville ng mga panawagan sa labas ng kanilang mga bahay sa pagbabakasakaling may makapansin.

"Ang gusto po ba nila, magmakaawa kami o kaya ay gumagapang sa gutom sa kanila kami papansinin dito? Nakaka-degrade naman po masyado 'yon," ani Flores.

Watch more in iWant or TFC.tv

Paliwanag naman ng Naic Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), base sa kasunduan, 5 taon pa dapat suportahan ng Manila local government ang mga na-relocate na residente.

Pero gumagawa na raw ng paraan ang Naic MSWDO para maisama sa ikalawang bugso ng social amelioration program ang mga nagrereklamong relocate.

Puspusan na rin ang pamimigay ng relief goods sa mga taga-Naic lalo at nakatakdang isailalim sa total lockdown ang buong Cavite simula Mayo 1 hanggang Mayo 15.

Ayon kay Naic Mayor Junio Dualan, bibigyan na rin nila ng ayuda ang mga nagrereklamong taga-Tondo kahit ang mga ito ay hindi pa opisyal na residente ng Naic.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.