Jeepney drivers na na-stranded sa Maynila nanawagan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 12:35 PM | Updated as of Apr 28 2020 07:28 PM

Nanawagan ng tulong ang mga jeepney driver mula Oriental Mindoro na na-stranded sa Santa Mesa, Maynila mula nang ipatupad ang lockdown sa Metro Manila. ABS-CBN News

MAYNILA — Pangamba ang araw-araw na nararamdaman ng grupo ni Arnel Momog mula nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa Metro Manila noong Marso.

Galing Oriental Mindoro ang kanilang grupo, na nakipagsapalaran sa Maynila at namasukan bilang mga tsuper ng jeep na may biyaheng Bacood-Quiapo.

Naparalisa ang paghahanapbuhay ng grupo dahil sa lockdown at kasalukuyan silang tumutuloy sa garahe ng jeep.

Ayon kay Momog, wala na silang panggatos para sa pagkain o kahit pang-load para makausap ang mga mahal sa buhay sa probinsiya.

"Paminsan-minsan nagbibigay ang operator. Walang pera. Mga pagkain lang o ano mang maluluto na puwedeng pagsaluhan," ani Momog sa panayam ng ABS-CBN News.

Kadalasan ay nagtitira pa raw sila ng ulam para masiguradong may makakain kinabukasan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang dating pinapasadang jeep ang nagsisilbing tulugan nila. Kaniya-kaniyang latag na lang sila ng mga karton at mayroon ding naglagay ng duyan.

Ayon din kay Momog, mula noong Marso, wala pa silang natanggap na ayuda mula sa barangay o lokal na pamahalaan dahil hindi sila taga-Maynila.

Gusto ni Momog na makauwi para kahit papaano ay makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.

"Kayang tiisin ang hirap at gutom pero naiisip pamilya namin 'pag matutulog," ani Momog.

"Sana makauwi na kami kasi kahit quarantine at ma-extend, kahit papaano, nasa pamilya kami," dagdag niya.

Hiling din nilang mapagtuunan ng pansin ang mga tulad nilang naipit sa kasalukuyang situwasyon dahil sa quarantine, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19. -- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.