Ina napilitang iwanan ang mga anak matapos magpositibo sa COVID-19 sa Cebu

Vilma Andales, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 08:36 PM | Updated as of Apr 29 2020 06:59 PM

Napilitang iwanan ng isang ina ang kanyang dalawang anak sa Lapu-lapu City, Cebu matapos siyang magpositibo sa COVID-19. Kuha ni Nagiel Banacia, LLCRRMO

LAPU-LAPU CITY, Cebu - Mabigat sa dibdib ng isang 31-anyos na ina ang kaniyang pag-iwan sa kaniyang dalawang anak sa lungsod na ito nitong Lunes matapos siya ay magpositibo sa COVID-19.

Sinundo ng Lapu-lapu City Risk Reduction and Management Office ang pasyente mula sa kanilang bahay sa Sacred Heart Village, Barangay Gun-ob upang dalhin sa ospital.

Ayon sa kaniya, nahawaan siya ng kanyang 63-anyos na tiyahin na unang nagkaroon ng COVID-19.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayaw sana niyang iwanan ang kaniyang mga anak, na parehong lalaki at nasa 5 at 6 na taong gulang, dahil nag-aatubili sa pagkupkop dito ang kanilang mga kamag-anak sa takot na baka positibo rin ang mga ito sa sakit.

Ito ay kahit sinabi na niyang nagnegatibo ang mga anak sa medical test.

Nasa Taiwan ang ama ng mga bata kung saan ito nagtatrabaho bilang factory worker.

Mabuti na lamang at may isa pang tiyahin ang pasyente na pumayag mag-alaga pansamantala sa kanyang mga anak.

Ayon kay Lapu-lapu Mayor Junard Ahong Chan, sagot nila ang pangangailangan ng dalawang anak at kamag-anak na kumupkop sa kanila.

May 32 kaso ng COVID-19 cases sa Lapu-lapu City, batay sa April 27, 5 p.m. report ng Central Visayas for Center for Health Development.

Nitong Martes, nakapagtala na ng 7,958 na mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa, bagama't 975 sa mga ito ay gumaling, habang 19 naman ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.