QUEZON CITY - Iginiit ng tindero ng isda na si Michael Pasage Rubuia na wala siyang kasalanan sa kabila ng pagkaaresto sa kaniya dahil sa paglabag umano sa quarantine protocol sa Barangay South Triangle, Quezon City nitong Lunes ng hapon.
Ipinakita ni Rubuia ang mga sugat na tinamo niya matapos pagpapaluin ng mga taga-Task Force Disiplina at tanod ng Barangay South Triangle.
Kuwento niya, nagbabantay siya ng tindahan ng isda nang lapitan siya ng tanod para sabihin na bawal siyang magbenta roon.
Naka-face mask naman umano siya noong lapitan siya.
Sinabi niya sa mga tanod na wala naman siyang kasalanan kaya tumanggi siyang sumama sa kanila.
Dito na umano dumating ang ibang tanod at saka siya pinagpapalo.
May sugat siya sa binti, gasgas sa braso, at nasaktan din sa ulo.
Ayon kay PLt. Col. Lucio Simangan ng Quezon City Police District Station 10, iniimbestigahan nila ang kaso.
Sa pahayag ni Simangan sa ABS-CBN News, tumakbo umano si Rubuia at walang mask kaya siya hinuli. Pero pinabulaanan ito ng fish vendor.
Nauna nang kumalat sa social media ang bidyo ng nangyaring panggugulpi sa vendor.
Ayon kay QC Task Force Disiplina head Rannie Ludovica na pumapalag, naninipa, at nagmumura ang suspek nang arestuhin ito.
Malakas umano ang suspek kaya pinagtulungan siyang kontrolin.
Gayunman, sinabi ni Ludovica na iniimbestigahan na ang mga sangkot na tauhan ng Barangay at Task Force Disiplina sa insidente.
Sinuspinde naman ng 60 araw ang tauhan ng task force habang iniimbestigahan kung gumamit nga ba siya ng sobrang dahas sa pag-aresto sa tindero ng isda, ayon sa Quezon City government. Isasailalim din aniya sila sa retraining.
Iniutos na rin ng task force ang pagbawi ng kaso laban sa binugbog na fish vendor.
Palalayain na rin siya at palilipatin sa QC Drug Treatment and Rehabilitation Center ngayong nagpositibo siya sa droga.
"While the release of Michael is being processed, the City will see to it that his rights as a detainee are rightfully observed and all his basic needs are properly addressed. Quezon City considers the human rights of its citizens as paramount, and any violations thereof will not be allowed or tolerated," ayon sa Quezon City Hall sa pahayag. -- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update,