Epekto ng mga halamang gamot sa COVID-19 patients pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuwing sasama ang pakiramdam, isa sa mga remedyo ni Winky dela Rosa ay mga halamang gamot.

Dahil laganap ngayon ang coronavirus disease (COVID-19), dinalasan umano ni Dela Rosa ang pag-inom ng salabat, pero hinahanap niya ang halaman na tawa-tawa.

"'Yong tawa-tawa, pampataas ng platelet at saka minsan nga ginagawa kong maintenance 'yon," ani Dela Rosa.

Ayon kay Food and Drug Administration Director General Eric Domingo, isa sa mga epekto ng viral illness ay ang pagbaba ng platelet.

Posibleng may parehong epekto rin umano sa platelet ang COVID-19.

"'Yong COVID-19 isa rin namang viral illness so decrease in platelet is also one of the possible findings," ani Domingo. 

"Kaya rin siguro chine-check nila kung may positive effect 'yong paggamit ng tawa-tawa," dagdag niya.

Ayon kay Domingo, uumpisahan na rin ang pag-aaral ng mga eksperto sa epekto ng virgin coconut oil, partikular ang taglay nitong lauric acid, sa COVID-19 patients.

Wala pa ring gamot o bakuna laban sa COVID-19 hanggang ngayon, pero may ilang gamot tulad ng chloroquine — na gamot sa malaria — at ilang gamot sa human immunodeficiency virus (HIV) na tinitingnan na posibleng makapagpagaling din ng taong nahawahan ng sakit.

Wala pa ring bagong gamot mula sa ibang bansa, partikular sa China, na nakapagparehistro sa FDA.

"Mayroong traditional Chinese medicine, for example, na approved sa FDA sa China... puwede rin silang mag-apply dito sa atin as traditional medicine," ani Domingo.

Nagpaalala si Domingo na may mas malaking dahilan kung bakit kailangan ng product registration sa mga gamot.

"'Yong importer, 'yong distributor, kailangan alam natin kung saan ang opisina niya, kung saan ang kaniyang storage at kung naiimbak nang tama to make sure na ito ay hindi fake o adulterated o hindi lumang gamot na ni-repack lang," paliwanag niya.

May ilan nang kompanya na importer at distributor ang nag-apply sa FDA ng certificate of product registration para sa mga gamot na makatutulong laban sa COVID-19.

Nilinaw ni Domingo na puwedeng kumuha ng gamot mula sa ibang bansa at gamitin dito sa Pilipinas.

Pero delikado umano ito dahil sakaling magkaroon ng malalang side effect sa taong uminom ng hindi rehistradong gamot, walang puwedeng habulin at panagutin.

Nagpaalala si Domingo na ang mga nagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot ay may parusa batay sa batas.

Ang mga doktor naman na magrereseta ng gamot na hindi rehistrado sa FDA ay puwedeng matanggalan ng lisensiya. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.