Eleazar: Pag-aresto sa isang dayuhan sa Makati, iimbestigahan ng PNP

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:48 AM

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa ang National Capital Region Police Office na imbestigahan ang pag-aresto sa isang dayuhan sa Dasmariñas Village sa Makati City, ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar. 
 
Ayon kay Eleazar, titiyakin ng PNP ang agaran at patas na imbestigasyon sa insidente ng pag-aresto ng pulis-Makati na si Police Senior Master Sgt. Roland Madrona sa dayuhang si Javier Parra.

Nanawagan din si Eleazar sa publiko na makipagtulungan sa PNP lalo ngayong nagpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 
 
Payo ni Eleazar upang hindi maulit ang kahalintulad na insidente na sumunod sa enhanced community quarantine rules at respetuhin ang mga nagpapatupad ng mga alintuntunin nito.
 
Ipinagtanggol naman ng punong barangay ng Dasmariñas Village na si Rosanna Hwang ang pulis na si Madrona. 

Aniya, nasa kalsada o pampublikong lugar nangyari ang insidente at wala umanong mask na suot si Parra at hindi rin sumunod sa pulis.
 
Samantala, sa pahayag ng Dasmarinas Village Association, sinabi ng mga opisyal nito na sinusuportahan man nila ang mga ginagawa ng pamahalaan sa pagsugpo sa COVID-19, dapat din umanong mapanatili ang karapatan ng mga residente na manatiling ligtas sa kanilang mga bahay laban sa paghihimasok ng mga law enforcement officers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.