Eleazar: Mga pulis bawal ding umangkas sa motorsiklo habang may COVID-19 pandemic

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 02:26 AM

MAYNILA - Pinaalalahanan ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang mga kapwa niya pulis na maging sila ay hindi maaaring umangkas sa mga motorsiklo habang may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa panayam sa DZMM nitong Lunes ng gabi, ipinaliwanag ni Eleazar na bawal ang pag-angkas sa motorsiklo kahit sa mga pulis at iba pang frontliners.

Dagdag pa niya, agad nilang iniimbestigahan ang mga pulis na sangkot sa mga paglabag sa quarantine protocols.

"Yung mga picture na ipinapadala, na-check namin agad 'yan," aniya.

Nauna nang ipinagbawal ang pag-angkas sa mga motorsiklo alinsunod sa ipinatutupad na physical distancing ngayong lockdown.

Ipinaalala rin ni Eleazar na lahat ng pribadong sasakyan ay kailangang tumigil sa mga checkpoint, kahit pa frontliners o mga authorized personnel ang sakay nga mga ito.

Gayundin, kailangang matingnan ng mga pulis sa checkpoint ang mga sasakyang nagsasabing may dala silang mga medical supplies or personal protective equipment.

"Mayroon din kaming nakikita na sari-sari ang nilalagay doon, na mga signage na 'do not delay', with PPE or medical supplies. 'Yun pala wala naman. Siyempre iche-check din po yan," ani Eleazar.

"'Pag sinabi nating mga cargo, 'yung mga cargo truck, eh talagang gino-go na siya. Pero 'yung mga private cars na may nakalagay, siyempre pinapatigil," dagdag pa niya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.