COVID-19 test para sa private sector employees na babalik operasyon, pinaboran ng Malacañang

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 02:25 AM

Sinusuportahan ng Malacañang nitong Lunes ang inisyatibo para matiyak na walang coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga empleyado ng mga pribadong kumpanya na magbabalik-trabaho na sa mga lugar na natukoy na isasailalim sa general community quarantine (GCQ). 

“Kung ang private sector po ay magbibigay ng testing sa kanilang mga empleyado, we encourage that po. At ito nga po ang gagawin ng Project ARK, kung hindi ako nagkakamali, iyong mga empleyado nila ay sila na mismo ang magpapa-test dahil hindi na nila hihintayin iyong makarating iyong testing ng gobyerno sa kanilang mga empleyado. That is very much welcome," ayon kay Roque.

Sa press briefing sa Palasyo, ibinida ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion ang Project ARK kung saan nirerekomendang gamitin ang nasa 1 milyong antibody rapid testing kits sa mga kumpanyang papayagan nang magbalik-operasyon sa piling mga lugar.

Ayon kay Concepcion, nasa 130 na kumpanya na ang nag-sign up para gumamit nito at sa tantya ay posibleng aabot pa sa 200 na mga kumpanya ang sasali sa proyekto. 

Dagdag pa niya, nasa anim o pitong provincial hospitals ang matutulungan na ma-expand ang testing capacity. 

Layunin ng Project Ark na ibalanse ang pagprotekta sa kalusugan sa pangangailangan na mabuksan nang paunti-unti ang ekonomiya ng bansa, ayon kay Concepcion. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.