ALAMIN: Mga industriyang sinisilip na magbalik-operasyon sa ECQ, GCQ

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 07:58 PM | Updated as of Apr 28 2020 10:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinasapinal pa ang plano sa ipatutupad ng gobyerno na mga patakaran matapos ang Abril 30, kasama dito ang pagbubukas ng ilang industriya at sektor sa piling mga lugar sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

"Tayo, we might open partially, construction workers and things like that. You wait for the... lalabas na ho, lalabas na ‘yung modified --- modified ang ano natin quarantine. So we will allow sectors of the society that is not --- hindi talaga nagdidikit-dikitan," ani Duterte sa isang public address noong Lunes ng gabi. 

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ibig sabihin ng Pangulo na modified quarantine ay ang pagsasailalim sa ilang mga lugar sa general community quarantine (GCQ) simula Mayo 1. 

Sa resolusyon aniya na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), nabawasan na ang mga lugar na nirerekomendang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ). 
    
Sa updated list ng IATF, candidate for ECQ hanggang Mayo 15 ang mga sumusunod:

  1. Metro Manila
  2. Central Luzon, puwera ang Aurora
  3. Southern Tagalog Region (Calabarzon)
  4. Pangasinan province
  5. Benguet province
  6. 6.    Baguio City
  7. Iloilo province
  8. Cebu province
  9. Cebu City
  10. Davao City

Ang mga dating naunang natukoy na candidate sa ECQ gaya ng Antique, Aklan, Capiz, Davao del Norte, at Davao de Oro ay nirerekomendang maisama na sa mga isasailalim sa GCQ.

Idinetalye naman ng IATF ang mga rekomendasyon mula sa 
Department of Trade and Industry (DTI) na mga sektor na papayagan na magbukas lamang sa mga lugar na GCQ ang ipinatutupad.

Kabilang dito ang manufacturing activites para sa non-alcoholic at alcoholic drinks, cement at steel, electrical machinery, wood products at furnitures, non-metallic products, textiles, wearing apparels, tobacco products, paper at paper products, rubber at plastic products, refined petroleum products, computer, electronic at optical products, electrical equipment, motor vehicles, trailers at semi trailers at iba pang transport equipment.

Puwede rin sa GCQ ang pagbubukas ng ilang tindahan sa mga mall at commercial centers gaya ng hardware stores, clothing at accessories, barber shops, salons, spas, iba pang personal care industries pero may kailangan ipatupad na strict health standards. 

Papayagan ring magbukas sa GCQ ang mga wholesale at retail trade at repair ng motor vehicles at motorcycles, construction, forestry, at logging, publishing activities, motion picture, video and television program production, sound recording at music publishing activities at advertising and market research, real estate activities bukod na lang sa buying and selling, office administrative and other business activities, legal at accounting, insurance at architecture and engineering activities, scientific and research at maging skeletal workforce ng lahat ng opisina ng gobyerno. 

Gayunman, hindi pa rin papayagan sa GCQ areas ang gym, fitness at sports facilities, at maging entertainment-related, business related, at maging politically-related mass gatherings ay bawal pa rin. 

Pati ang religious activities, mga sugal, pagbubukas ng museum at iba pang cultural activities ay hindi rin papayagan. 

Sabi ni Roque, may pulong pa ang IATF sa Miyerkoles at posibleng isapinal na ang listahan ng mga industriyang ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.