AFP chief walang nilabag sa hirit na bumili ng Chinese meds vs COVID-19: Lorenzana

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 01:37 PM | Updated as of Apr 28 2020 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Walang nilabag na regulasyon ang pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghingi niya ng tulong sa Chinese ambassador para makabili mula China ng gamot para sa coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Martes ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na wala siyang nakikitang mali sa paghingi ng tulong ni AFP chief of staff Gen. Felimon Santos Jr. kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para makabili ng Carrimycin tablets, na ginagamit sa paggamot ng mga pasyenteng may COVID-19 at mabibili lamang sa China.

"I see nothing wrong with General Santos's writing a letter to the Chinese Ambassador for assistance to procure Carrimycin tablets, a cure for COVID, available only in China, for his friends who are infected with COVID19," ani Lorenzana.

Ayon kay Lorenzana, binawi naman ni Santos ang hiling sa Chinese ambassador matapos malaman na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang gamot.

"What is wrong with wanting to help those infected with COVID?" ani Lorenzana.

Sa sulat ni Santos, sinabi niyang naniniwala siyang gumaling siya mula sa COVID-19 matapos mabigyan ng Carrimycin tablets ng kaibigang Chinese, na may clearance din mula sa mga doktor.

Nais sanang makabili ni Santos ng gamot para ibigay sa mga kaibigang nahawa rin ng respiratory disease, base sa kaniyang sulat.

Naniniwala umano si Lorenzana na wala namang nilabag si Santos at hindi rin nito nilagay sa panganib ang seguridad ng bansa.

"The letter may have been out of place, i.e. should have been coursed through the DFA (Department of Foreign Affairs). He had not violated any regulations nor imperiled the security of the country," anang kalihim.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na wala pang aplikasyon para marehistro sa bansa ang Carrimycin tablets.

Kasama ang naturang gamot sa listahan ng World Health Organization ng mga traditional Chinese medicine na ginagamit sa paggamot ng COVID-19 at aprubado ng FDA ng Beijing, ayon kay Domingo.

"Ang appeal po namin, kung talagang naniniwala sa kanilang produkto, hindi naman po natin sila pahihirapan lalo na kung tested ito at saka rehistrado sa bansang pinanggalingan niya," ani Domingo.

"Mayroon pong prosesong gagawin para mabenta niyo po nang tama iyan sa tamang paraan, at magagamit nang mabuti," dagdag niya.

Para naman kay House committee on national defense and security vice chairperson Ruffy Biazon, may pagkakamali si Santos sa isyu ng conflict of interest.

"Bilang chief of staff at ang nilapitan nga niya for a personal matter... ay 'yong bansa na mayroon tayong conflict, mako-compromise 'yong position niya as the head of the armed forces," ani Biazon.

Ayon naman kay Civil Service Commissioner Aileen Lizada, malinaw sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na bawal gamitin ng mga opisyal ang kanilang posisyon para humingi ng mga request o regalo.

Labag din umano ito sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials. 

"Kung ikaw ba ay wala sa position... do you think people will extend favors to you?" ani Lizada.

"It is the position that is ating pinag-iingatan because we represent the people. Public office is a public trust," dagdag niya.

Ayon kay Santos, hindi nila saklaw ang unipormadong personnel ng military kaya wala silang jurisdiction para imbestigahan si Santos.

-- Ulat nina Chiara Zambrano at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.