4 pang lugar sa Maynila, pinag-aaralang isailalim sa hard lockdown

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 12:52 AM

Isinasapinal na ang pag-aaral sa posibilidad na pagpapatupad ng hard lockdown sa apat pang lugar sa Maynila, ayon kay Mayor Isko Moreno nitong Lunes. 

Kasunod nito, pinaghahanda na ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang police station na nakakasakop sa unang distrito ng Tondo.

Pinaghahanda na rin ng MPD ng security plan ang mga station commander na nakakasakop sa mga distrito ng Santa Cruz, San Andres, at Malate.

Kabilang sa kailangang paghandaan ng mga police station ang shifting at deployment ng mga police personnel, roving team, entry at exit points ng bawat lugar na posibleng isailalim sa hard lockdown.

Aayusin din ang pagkakaroon ng holding area ng mga mahuhuling gagala-gala kapag naka-hard lockdown, quarantine control points, at hot spots.

Una nang isinailalim ang Sampaloc sa hard lockdown matapos magtala ng pinakamaraming kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.