Pinsala ng #LuzonQuake sa mga paaralan pumalo sa higit P300 milyon

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2019 03:45 PM

MAYNILA — Pumalo sa P305,920,000 ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga eskuwelahan sa mga rehiyon na tinamaan ng 6.1 magnitude Luzon quake noong Lunes, batay sa taya ng mga awtoridad.

Maaalalang noong Lunes ay niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya. Naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales, habang malala ang tama sa Pampanga.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamalaking pinsala ang naitala sa mga eskuwelahan sa Central Luzon, sunod ang Calabarzon, pumapangatlo ang National Capital Region, habang ika-4 naman sa Ilocos Region.

IBA PANG PINSALA

Umabot naman sa 334 estruktura at gusali ang nagtamo ng pinsala sa ilang rehiyon sa Luzon. Kabilang na dita ang mga bitak sa pader at kisame, pagkawasak ng ilang bahagi, at tuluyang pagguho.

Tinataya namang nasa P200 milyon ang halaga ng pinsala sa mga kalsada sa Central Luzon.

Sumatotal, 18 ang naitalang nasawi dahil sa lindol habang 5 tao pa ang patuloy na pinaghahanap.

—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.