Menor de edad arestado sa kasong pag-carnap ng motor sa Valenzuela

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2019 08:14 AM

MANILA - Timbog ang isang 17-anyos na binata matapos makuha sa kanya ang isang nakaw na motorsiklo sa Valenzuela.

Itinago sa alyas Jhon ang pangalan ng menor de edad na suspek.

Ayon sa Valenzuela police, nagreport sa kanilang presinto si Alan Gonzales tungkol sa nawawala niyang pulang Yamaha Mio 125MX na motorsiklo. 

Ipinarada lamang umano ng biktima sa loob ng kanilang garahe ang motorsiklo pero pagkagising sa umaga ay nawawala na ang motorsiklo.

Agad na nagpunta sa lugar ang pulis upang mag imbestiga at isang witness ang nakakita sa suspek na si alyas Jhon na minamaneho ang nawawalang motorsiklo sa may Gen. T de Leon Road.

Agad na pinuntahan ang bahay ng itinurong suspek at dito na nakita ang nawawalang motorsiklo. 

Hinuli si alyas Jhon at inilagay sa pangangalaga ng mga social worker ng Valenzuela. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.