Bata, patay nang mabaril umano ng pulis sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2019 08:30 PM | Updated as of Apr 29 2019 12:33 AM

MAYNILA -- (UPDATE) Patay ang isang anim na taong gulang na batang lalaki habang sugatan ang kaniyang 65 anyos na lola nang umano'y aksidenteng mabaril ng isang pulis sa Camarin, Caloocan City Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Gian Habal at Elsa Francisco Montañez.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan Police, may namataan umanong isang suspek si Police Corporal Rocky Delos Reyes. Hinabol niya ito at nauwi sa palitan ng putok. 

Dito na nadamay ang bata na natamaan sa ulo. Naglalaro ang bata sa labas ng bahay. Nang makita ito ng lolo at lola ng bata, hinabol nila si Delos Reyes na muling nagpaputok umano ng baril at natamaan sa paa ang lola.

Nagpahiwatig naman umano na susuko ang suspek na pulis sa mga kasamahan.

Nananawagan naman ang lolo at asawa ng biktima na si Arsenio Montañez ng agarang hustisya para sa namatay na apo at sugatang asawa.

- ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.