2 PWD nagsumikap makahanap ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi madali para sa marami ang makatagpo ng regular na trabaho, lalo na sa may mga kapansanan o persons with disability (PWDs).

Pero sa isang café sa Quezon City, regular na trabaho ang ipinagkakaloob sa mga empleyadong nitong PWD, gaya nina Joy Sarsua at Adrian Burgos.

Parehong may cerebral palsy sina Sarsua at Burgos, na nakakaapekto sa kanilang kilos at pananalita.

Nakatoka bilang kahera si Sarsua, na nahinto sa kolehiyo dahil sa problemang pinansiyal.

Nang may magbukas na pagkakataon para sa vocational training at trabaho, hindi niya ito pinalampas.

"Mahal ko po 'yong trabaho ko kasi po nagkaroon ako ng pamilya dito," ani Sarsua.

Inamin ni Sarsua na may mga pagkakataong inaapi siya subalit hindi siya pumapayag dito.

"Minsan po may nambu-bully. Hindi ko po ina-allow 'yon kasi po once na na-bully po ako, doon po lumalakas 'yong fighting spirit ko na, kaya ko 'to," aniya.

Barista naman ang trabaho ni Burgos.

Bukod sa paggawa ng kape, tungkulin din niyang maglinis at magsilbi sa kanilang mga kostumer.

"Kasi kapag hindi mo kinaya, hindi ka mabubuhay," ani Burgos.

Plano ni Sarsua na maituloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Nais naman ni Burgos na magkaroon ng sariling kapihan.

Ipinayo ng 2 sa mga tulad nilang PWD na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na magsumikap para maabot ang pangarap.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.