SOCO: Ginang natagpuang patay sa sapa sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 03:25 PM | Updated as of Apr 28 2018 05:35 PM

 

 

Hindi naging balakid para kina Marciana del Mundo, 61, at Simeon Amoranto, 44, ang 17-taong agwat sa edad para magsama sa iisang bubong noong 2008.

Unang nagkakilala ang dalawa nang magpa-renovate ng bahay ang ginang kung saan si Simeon ang nakatalagang karpintero.

“Malapit po siya sa akin. Nagustuhan niya 'yung pagkagawa ko ng bahay,” kuwento ni Simeon.

Bagama't naging masaya ang pagsasama ng dalawa, tinutulan ito ng mga anak ni Marciana.

“Hindi namin agad matatanggap eh. Galit kami lahat,” pahayag ni Mariel del Mundo, anak ni Marciana. “Kinausap naman namin siya. Si inay, kinausap namin na ganon, na umuwi na lang dito.”

Pero lumipas ang maraming taon at hindi na umalis sa poder ni Simeon si Marciana.

“Mabait lang po ‘yun, saka malambing,” pag-alala ni Simeon.

Naging tahimik ang unang tatlong taon ng dalawa, pero naging kabaligtaran ang sumunod na anim na taon.

“Nag-iba na rin ang ano niya, 'yung direksyon niya. Iba na pakikitungo niya sa akin,” dagdag ni Simeon.

Ayon kay Simeon, naging selosa at pala-away daw si Marciana. Dagdag pa nito, "naririndi" na rin siya sa pagbubunganga ng kinakasama.

“Kapag siya nag-miskol at di ko nasagot, ang nasa isip po non may babae ako. Nasa babae ako. Nasisira po ang loob ko, parang walang tiwala po. Trabaho lang naman po ako.”

Dahil sa madalas na di pagkakaintindihan ng dalawa, napansin na rin ito ng mga kapitbahay at kamag-anak nina Simeon at Marciana. Anila, madalas marinig ang ingay sa bahay ng mag-partner.

“Laging ganon, minsan araw-araw, minsan hindi naman. Pero malimit talaga, laging ganon. Sanay na kami eh, na laging ganiyan,” kuwento ng isang kapitbahay.

“Isang beses, nagbigay kami ng payo kay Marciana. Minamasama kaya di na kami nagbibigay sa kaniya ng salita.”

Pero nitong Abril 3, napansin ng isang residente ng Brgy. Halang sa Calamba, Laguna ang masangsang na amoy sa sapa.

“Hinukay 'yung nasabing bangkay, then nakabalot pa po siya ng kumot. Makikita mo talaga ['yung] mga tao na nagtakipan ng mga ilong dahil sa amoy,” ayon kay Insp. Carmen Balilo ng Calamba police.

“Makikita mo talaga na 'yung bangkay, ma-lobo na. Nade-decompose na po 'yung body nung bangkay.” 

Nagkataon namang nasa lugar ang pamilya Del Mundo at agad nilang natukoy na si Marciana ang natagpuang bangkay.

“Napakasakit, napakasakit ‘yun sa amin. Wala kaming nakitang mukha. Bulok na,” ani Ariel, isa pang anak ni Marciana.

“Bakit nagawa mo ito sa’kin? Nasobrahan ako, napuno na ‘ko, sabi ko,” sabi ni Simeon.

Ano nga ba ang nangyari kay Marciana? Sundan ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.

-- Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.