Re-electionist na barangay captain, tinambangan sa Sarangani

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 11:58 AM | Updated as of Apr 28 2018 11:59 AM

Patay sa pamamaril si Reynaldo Amador, isang re-electionist barangay captain, matapos tambangan sa Barangay Tambilil, bayan ng Kiamba sa Sarangani Province, Abril 26, 2018. Photo courtesy of Kiamba Municipal Police Station

KIAMBA, Sarangani Province – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 50-anyos na kapitan ng barangay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap mismo ng kaniyang bahay sa Barangay Tambilil dito sa bayan, Huwebes ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, pauwi na sa bahay si Kapitan Reynaldo Amador nang tambangan ng salarin. Nagtamo ng tama sa ulo at mukha ang biktima.

“Siya ay binaril habang papasok sa kaniyang bakuran, sa bahay niya mismo, ng lone gun man na nag-aabang sa kaniya doon,” pahayag ni Supt. Amante Suriaga, Deputy Provincial Director for Administration ng Sarangani Police Provincial Office.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang motibo sa pagpatay pero pinag-aaralan ng awtoridad kung may kinalaman ba ito sa barangay elections sa Mayo lalo’t re-electionist ang biktima na tumatakbo para sa kaniyang ikalawang termino.

“We need to upgrade the security requirement ng barangay na ‘yan kasi nga ‘yong namatay ay re-electionist at barangay captain pa. Puwede na sigurong i-increase ang security requirement doon,” sabi ni Suriaga.

Pinag-aaralan na rin ng Sarangani Police Provincial Office na ilagay na sa areas of concern ang Barangay Tambilil lalo’t papalapit na ang halalan sa barangay.

Nananawagan naman ngayon sa awtoridad ang pamilya ng biktima na mabigyan sana ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang kaanak.

Dagdag ng awtoridad, umuusad na ang imbestigasyon. Hinigpitan na rin ang seguridad sa buong lalawigan. Wala pa namang nahuling lumabag sa gun ban sa Sarangani nang magsimula ang election period. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.