Pagtatayo ng P300-M China-Cotabato Friendship Technical School, sinimulan na

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 05:54 PM

Sinimulan nitong Sabado ang pagtatayo sa P300-milyon na “China–Cotabato Friendship Technical School". ABS-CBN News


COTABATO CITY- Sinimulan na ang konstruksyon ng P300-milyong technical school sa Mother Barangay Tamontaka nitong Sabado ng umaga.

Ang China–Cotabato Friendship Technical School ay donasyon ng mga Chinese investor na pinangunahan ni Liu Yibin na mula sa isang construction firm sa Shenzhen, China.

Binubuo ang proyekto ng 4 na palapag na gusali na nakapaloob sa 4 hektaryang lupain.

Ang paaralan ay may basketball court at magkakaroon ng mga kursong teknikal at bokasyonal.

Mula sa mga Chinese investor ang pondong gagamitin para sa paaralan samantalang ang lokal na pamahalaan naman ang naglaan ng lupang tatayuan.

“The China-Cotabato Friendship School symbolizes the big friendship between two countries' people," ani Liu Yibin.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan ng Cotabato, balak din umano ng mga Chinese investor na magtayo ng paliparan, daungan, at sports complex sa lungsod.

“This offer is a blessing for the people of Cotabato City," ani Cynthia Guiaini, alkalde ng lungsod.

Inaasahan naman na matatapos ang pagtatayo ng paaralan sa loob ng anim hanggang walong buwan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.