Ilang negosyo sa Boracay, nananatiling bukas

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 12:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ikalawang araw ng 'shutdown' sa isla ng Boracay, may ilang negosyo pa rin ang nananatiling bukas.

Ang negosyanteng Amerikano na si Lee Rosaia, pinipilit na hindi magsara ang kanilang negosyong kapihan para sa mga empleyado.

“In 1996, we had the same beach. It was quiet. There were no people here. We didn't have customers either, just a few. We stuck it out. It's like that now, so we'll just see,” ani Rosaia. 

(Ito rin ang beach na mayroon kami noong 1996. Tahimik. Walang tao. Wala rin kaming kostumer, kaunti lang. Nanatili kami. Ganoon din ngayon, kaya tingnan natin.) 

Natutuwa rin si Rosaia na makita muli na nakakahinga na ang isla mula sa dumog ng mga turista.

“It’s so refreshing to see it so open like this. For the last few years, we’ve been on the beach with all people, people, people, and you couldn’t really enjoy it, even walking on the beach was very hard, but now it's beautiful again,” sabi ng negosyante. 

(Napakapresko na makita itong ganito ka-bukas. Nitong mga nakaraang taon, nasa beach tayo kasama ng maraming tao, hindi mo ma-enjoy. Maging ang paglalakad sa beach ay mahirap. Ngayon, maganda na uli.) 

Namamangha rin si Eric Maglaya, manager ng isang establisimyento, dahil maaliwalas na ulit ang isla.

Malayo umano ito sa sitwasyon noong nakaraang taon, kung saan punuan ang isla dahil sa "Laboracay."

“Ito dito sa main walkway natin pag ka pagpunta tayong Laboracay ay parang Quiapo sa daming ng tao," ani Maglaya.

Bagama't maluwag na ulit ang isla, iginiit din ni Maglaya na marami nang negosyo ang apektado dahil sa kawalan ng turista.

Marami sa mga negosyo sa Boracay ang nagsara na, habang nagsi-alisan na rin ang ilang mga empleyado para umuwi sa kanilang mga probinsiya.

Transpo allowance ng mga empleyado

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, kumuha na ng transportation allowance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang empleyado sa isla na nawalan ng trabaho.

Depende sa layo ng destinayon ng mga nag-apply, P500 ang pinakamababang maibibigay habang pinakamataas naman ang P5,000. 

Ayon sa DSWD, umabot na sa higit 3,000 manggagawa ang kumuha ng transpo allowance.

Ngunit dahil tinatayang 36,000 na empleyado ang apektado ng closure, inaasahan ng ahensiya na mas marami pa ang kukuha sa mga susunod na araw.

State of calamity sa Boracay

Nitong Huwebes lang nalagdaan ang proklamasyon ng state of calamity sa tatlong barangay sa Boracay.

Dahil dito, ngayon pa lang magkakaroon ng pondo para sa mga programa ng pamahalaan gaya ng "cash for work" program ng DSWD.
    
Ayon sa DSWD, sa susunod na linggo pa sila makakapag-assess kung anong mga trabaho ang puwede sa mga naapektuhang manggagawa.

--Ulat ni Jeff Canoy at Kevin Manalo, ABS-CBN News