2 magsasaka pinugutan sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2018 06:09 PM | Updated as of Apr 28 2018 06:31 PM

Photo courtesy of PNP ARMM

Dalawang katawan ng magsasaka ang natagpuan na wala nang ulo sa Parang, Maguindanao bandang alas-6 ng umaga Sabado.

Hindi rin nahanap sa pinangyarihan ng krimen at sa mga kalapit na lugar ang mga ulo ng mga biktima.

Kinilala ang dalawa bilang sina Ceasar Deamada Fermin, 42 anyos, at Jabon Bistas, 21 anyos, na pawang mga residente ng Barangay Gumagadong Calawag sa bayan ng Parang.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Parang municipal police station na posibleng naganap ang krimen pasado ala-1 ng madaling araw sa kasagsagan ng brownout at malakas ang ulan.

Sa coconut farm na pag-aari umano ng pamilya Ampurias naganap ang karumaldumal na krimen.

"Mabait na tao ang mga ito. Ang mga magsasakang ito ay wala namang mga kaaway sa lugar," ani Superintendent Ibrahim Jambiran, hepe ng Parang police.

Emosyonal ng humarap sa awtoridad ang kaanak ng mga biktima na humihingi ng hustisya sa sinapit ng dalawa.

Nananawagan din sila na kung maaari ay ibalik ang nawawalang ulo para mabigyan sila ng disenteng libing.


--Ulat ni Jasper Acosta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.