PatrolPH

'Kabagalan sa border control sanhi ng pag-abot ng COVID-19 cases sa 1 milyon'

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2021 06:18 PM

MAYNILA — Kabagalan sa border control ang nakitang dahilan ni dating Health Secretary Esperanza Cabral kung bakit sumampa sa higit 1 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sabi sa Teleradyo ni Cabral, kung tutuusin ay pareho lang ng mga hakbang na ginagawa ang Pilipinas at mga bansang matagumpay ang laban kontra COVID-19.
    
Ang kaibahan lang aniya, mas mahusay silang gumawa habang may kabagalan ang Pilipinas partikular na pagdating sa border control.

"Makikita mo sa Vietnam, ang unang-una nilang ginawa doon ay border control, meron din tayong border control kaya lamang 3 months late. Ang Vietnam. January [2020] pa lang ay inuumpisahan na nila 'yung border control nila na kokonti pa lang ang nakikita nilang kaso, sa China nag-border control na kaagad sila," hinaing ni Cabral.

Giit ni Cabral, kung gustong makontrol ang COVID-19, dapat galingan ang contact tracing.

"Ang isa pang ginawa ng Vietnam ay mahusay na contact tracing, kaya ang kanilang lockdowns ay targeted. So 'yung ekonomiya nila hindi nag-suffer. Yun ang problema natin, sobrang bagal. Tama 'yung ginagawa natin pero sobrang bagal at saka kokonti lang," ani Cabral.

Noong Lunes ay sumirit na sa higit 1 milyon ang COVID-19 cases sa Pilipinas, at patuloy pa rin ang mahigpit na quarantine sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.