Total lockdown sa Tondo pinag-aaralan: Isko

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 04:29 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:35 PM

Watch more in iWantTFC

Matapos ang hard lockdown sa Sampaloc district, target naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isailalim sa total lockdown ang distrito ng Tondo

Ang Tondo kasi ang pumangalawa sa listahan ng mga distritong may mataas na coronavirus disease (COVID-19) cases sa lungsod matapos ang Sampaloc, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon kay Moreno, mabusisi ang pag-aaral at paghahanda sa ipatutupad na lockdown sa Tondo.

Para kay Moreno, maganda ang naging epekto ng lockdown sa Sampaloc noong Huwebes hanggang Sabado, kung saan isinabay ang pagte-test ng mga residente para sa COVID-19.

Nasa 21 ang nagpositibo sa rapid testing sa Sampaloc pero dadaan pa umano ito sa confirmatory test gamit ang PCR testing.

Ayon sa lokal na pamahalaan, kung ano ang naging proseso sa Sampaloc, tulad ng 2 araw na testing, baka ganoon din ang ipatupad o sundin sa gagawing lockdown sa Tondo.

Aminado naman ang Manila police na mas malaking magsubok ang lockdown sa Tondo dahil sa laki ng populasyon nito, at marami ang pasaway na residenteng hindi nagsusuot ng mask at nagsasagawa ng social distancing.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.