Tauhan ng barangay sa Pasay at airport police nagkasagutan dahil sa IATF ID

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 05:47 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagkasagutan ang ilang tauhan ng barangay sa Pasay City at airport police matapos magkalituhan tungkol sa pagkilala sa ID mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na epektibo dapat sa gitna ng enhanced community quarantine. 

Kinilala ang airport police na si Jesus Ducusin at ilang volunteer ng Barangay 197 sa Pasay City.

Sa video na kumalat sa Facebook, kitang nangangatwiran si Ducusin na nais lang makapasok sa barangay para mamalengke sa talipapa para bumili ng pagkain sa kapwa niya airport police sa NAIA.

Pero ayaw siyang papasukin dahil IATF ID ang dala niya at quarantine pass lang daw ang kinikilala ng barangay, ayon sa volunteers.

Nangyari ang insidente noong alas-10 ng umaga Sabado.

Hanggang sa lumabas na ang chairman ng barangay na si Ritchie Anderson at nagpaliwanag kay Ducusin.

Ayon kay Anderson, pagdating ng 11 ng umaga ay doon pa lang maaaring payagang pumasok sa kanilang barangay ang mga hindi tagaroon para makontrol ang dami ng tao.

"Pansamantala muna kaming maghihigpit sa mga hindi tagarito pero pagdating ng 11 a.m. puwede na," ani Anderson.

Napagsabihan na rin daw kasi ang barangay ng DILG dahil sa dami ng tao sa kanilang talipapa at hindi masunod ang physical distancing.

Kinahapunan, nagkasundo na ang 2 kampo.

Sa ngayon, wala pang kaso ng COVID-19 sa naturang barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.