Sundalong gumaling sa COVID-19, muling nagpositibo sa sakit

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 09:42 PM

Nagpositibo muli sa COVID-19 ang isang sundalo mahigit dalawang linggo matapos siyang makalabas ng ospital sa Zamboanga del Sur, ayon sa tagapagsalita ng Task Force COVID-19 ng probinsya nitong Lunes.

Sa isang virtual presser, sinabi ni Dr. Robert Capatoy na natanggap nila ang follow-up RT-PCR test ng 52-taong-gulang na sundalo nitong Lunes at lumabas na nag-positibo ito muli sa COVID-19.

Ayon kay Capatoy, kinuhanan nila muli ng swab specimen ang pasyente matapos ang 14-day mandatory home quarantine nito.

Bahagi ito ng guidelines ng Department of Health na kailangang ituloy ang pag-monitor sa mga pasyenteng nakalabas na ng ospital.

Ayon pa kay Capatoy, posibleng may natira pang virus sa katawan ng pasyente kaya nag-positibo ito muli sa test.

Hindi na magsasagawa ng contact tracing ang local health office ng Zamboanga del Sur, dahil sinunod namang mabuti ng pasyente ang home quarantine guidelines.

Hindi na rin siya ibabalik sa ospital dahil asymptomatic naman umano ang pasyente o walang nararamdaman na sintomas ng sakit.

Marso 30 nang mag-positibo sa COVID-19 ang pasyente. Matapos ang higit isang linggo, nakalabas na ito ng ospital kasunod ng negatibong resulta ng kaniyang RT-PCR test.

May travel history siya mula sa Metro Manila.

Samantala, nag-negatibo naman sa pangalawang RT-PCR test ang isang opisyal ng Department of Education na pang-apat na COVID-19 patient ng probinsya.

Pero sa kabila nito, hindi muna palalabasin ng ospital ang pasyente, hangga't mag-negatibo siya muli sa test.

Kailangan umano ang dalawang consecutive negative tests para makasiguro na wala nang virus sa katawan ang isang pasyente.

Sa ngayon, apat ang positibong kaso ng COVID-19 sa Zamboanga del Sur, pero isa na lang ang nasa ospital.

Sa buong Western Mindanao, umabot na sa 13 ang kaso ng COVID-19. Siyam dito ay mula sa Zamboanga City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.