SSS kinalampag dahil wala pang nailalabas na calamity loan

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 07:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maya't maya kung mag-check sa website ng Social Security System (SSS) si Jay Gardiola.

Gusto umano sana niyang mag-calamity loan pero kulang ang kita niya para sa pamilya dahil ilang araw lang siya kada linggo pumapasok sa trabaho.

"Sobrang kapos talaga. Mga nabibigay naman ng gobyerno, 'di pa rin talaga sapat eh," ani Gardiola.

Nagpapasalamat naman si Zenaida dela Cruz na may trabaho pa rin siya bilang checker sa isang supermarket.

Pero iniisip naman niya ang patong-patong na bayarin at gastusin kaya gusto niya ring kumuha ng calamity loan sa SSS.

"Pandagdag din sa bayarin, pambawas sa bayarin ng Meralco, water bills. May iba rin pangangailangan tulad ng gamot ng asawa ko kasi siya ay disabled," aniya.

Ayon sa SSS, patatapusin muna nila ang aplikasyon ng mga employer para sa small business wage subsidy program (SBWS), kung saan may ayudang P5,000 hanggang P8,000 mula sa gobyerno ang mga manggagawa ng maliliit na negosyo.

"'Yong mag-avail doon sa calamity loan namin, ito rin 'yong beneficiary dito rin sa ating SBWS," ani SSS Spokesperson Nicolas Fernan.

"Hopefully pagkatapos ng pag-apply ng SBWS, sana sumunod na rin 'yong calamity loan," dagdag ni Fernan.

Pero para sa miyembrong si Amy Francisco, na kapapanganak lang, dapat bilisan ng SSS ang calamity loan dahil paubos na rin ang maternity benefit niya.

"Ginamit po namin sa hospital bill saka sa bill ng baby," ani Francisco.

Iminungkahi naman ng grupong Bayan Muna na itaas ang pensiyon para matulungan ang mga retirado at senior citizen.

"Ibigay na ang P1,000 na nabinbin na increase sa pension na pinangako nang matagal," ani Bayan Muna Chairman Neri Colmenares.

Kung wala pang naibibigay na calamity loan ang SSS, nasa daang milyong piso naman ang naipalabas na ng Government Service Insurance System (GSIS) at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund).

Sa Pag-IBIG Fund, nasa lagpas P800 milyon ang lahat ng napautang na multi-purpose at calamity loan.

Sa GSIS naman, kalahating bilyon na ang calamity loan na na-avail at P2.8 bilyon naman sa consolidated loans.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.