Mga bangus sa ilang palaisdaan sa Dagupan City nagkakamatayan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 04:17 PM | Updated as of Apr 27 2020 04:32 PM

Watch more in iWantTFC

DAGUPAN CITY, Pangasinan — Nagsilutangan ang mga alagang bangus sa mga palaisdaan sa island barangays ng Salapingao at Pugaro sa lungsod na ito. 
    
Ayon kay Bayan Patroller Lester Lopez, nag-umpisa ang paggataw o pagkamatay ng mga bangus matapos ang biglaang pag-ulan noong Abril 24.
    
Caretaker ng palaisdaan ang pamilya ni Lopez at ayon sa kaniya, labis na ang nalugi sa mga bangus grower matapos ang pagkamatay ng mga isda.
    
"Pati iyong mga maliliit na bangus growers, napilitan na silang ilabas kahit semilya na lang," ani Lopez.

Dagdag pa ni Lopez, nag-force harvest na ang ibang bangus grower at ibinenta ito sa halagang P50 kada kilo.
    
Paliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nakaapekto sa mga palaisdaan ang biglang pagbabago ng temperatura ng tubig kaya naghingalo ang mga isda.

Posible rin umanong nakaapekto ang mababang tubig o hindi pagpapalit ng tubig sa mga palaisdaan pati na rin ang stocking density ng mga ito. 

Kinakailangan kasi ng sapat na dissolved oxygen para mabuhay ang mga alagang bangus.

"Meron pang incidences ng ulan sa madaling araw o sa umaga na nakaka-aggravate doon sa klima, sobrang dami na nga ang lalaki ng kanilang isda, maraming oxygen na nauubos sa fish pond, pag umulan naman nagkakaroon ng sudden change of temperature, pagtabang ng salinity," paliwanag ni BFAR National Integrated Fisheries Technology Development Center chief Dr. Westly Rosario.

Nasa 39 hanggang 50 degree celsius ang heat index sa Dagupan City, kaya naman payo ng BFAR sa mga bangus grower na magbawas ng mga alagang bangus lalo kung nasa marketable size na ang mga ito para maiwasan ang pagsiksikan ng mga bangus sa mga fish pond.

Siguraduhin din na napapalitan ang tubig sa mga fish pond.
    
Sa ngayon nasa P110 hanggang P130 kada kilo ang presyo ng bangus sa mga palengke sa Dagupan City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.