Makati mayor pinaiimbestigahan ang nangyaring gulo sa pagitan ng pulis, foreigner

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 02:17 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Pinaiimbestigahan ni Makati City Mayor Abby Binay sa pulisya ang nangyaring gulo sa pagitan ng isang pulis at dayuhang residente ng isang pribadong subdivision sa Barangay Dasmariñas.

Ayon kay Michael Camiña, tagapagsalita ng Makati City government, inatasan na ni Binay ang Makati police na magsagawa ng "immediate inquiry" sa gulong kinasangkutan ng isang pulis at ng residenteng si Javier Salvador Parra.

Mahaharap sa mga kaukulang kaso ang mga dapat panagutin base sa kahihinatnan ng imbestigasyon, ayon kay Camiña.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng regular na pagpapatrol ang mga pulis noong hapon ng Linggo sa Dasmariñas Village, na hiling ng barangay chairperson na si Rossana Hwang.

Nakita umano ng pulis at isang bantay bayan ang kasambahay nina Parra na nagdidilig ng halaman sa labas ng bahay nang walang suot na face mask.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2020-089 ng Makati, kailangang magsuot ng face mask ng mga residente ng Makati sa labas ng bahay o sa mga pampublikong lugar.

Paglabas ng bahay, kasama na ng kasambahay si Parra at ang misis nito, ayon sa ulat ng pulisya.

Doon nagsimula ang pagtatalo ni Parra at ng pulis. Ayon sa police report, pinahiya pa ni Parra ang pulis.

Sinubukan ng pulis na arestuhin si Parra pero tumigil ito nang sabihin ng misis na kailangan ng warrant para sa paghuli, base sa video ng insidente.

Inatasan din ni Philippine National Police chief Archie Gamboa si National Capital Region Police Office director Debold Sinas na magsagawa ng imbestigasyon sa pangyayari.

Ayon kay Makati police chief Col. Rogelio Simon, maghahain sila ng kaso laban kay Parra.

Inaalam din umano ng Makati police kung si Parra ay isang foreigner at kung maaari itong ipa-deport dahil sa inasal.

Ipinagtanggol naman ni barangay chairperson Hwang ang pulis, na nanatili umanong kalmado kahit pinagmumura siya ni Parra.

Pinaalalahanan lang daw ng pulis ang kasambahay nina Parra na magsuot ng face mask.

"All of a sudden, the resident came out of the house without a mask and began cursing," ani Hwang.

Nagkaareglo naman daw sa pagitan ng superior ng pulis at ni Parra matapos ipa-blotter na lang ang insidente para hindi na lumaki ang gulo.

Kaya ikinagulat umano ni Hwang na nag-post si Parra sa social media ukol sa insidente.

Naging hati ang debate sa social media kung tama ang ginawa ng pulis dahil sa inasal ni Parra at kung ito ay naaayon sa batas.

Para kay Sen. Panfilo Lacson. naging arogante si Parra at ginagawa lamang ng pulis ang tungkulin nito.

Tumanggi munang magkomento ang Commission on Human Rights sa insidente habang hindi pa nila napapanood ang mga video mula sa pulis at kay Parra.

Nangyari ang insidente halos isang linggo matapos barilin ng isang pulis ang isang dating sundalong may post-traumatic stress disorder sa Quezon City.

-- May ulat nina Jerome Lantin at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.