Laguna mayor nangangambang kapusin sa pondo matapos ma-extend ang lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 04:26 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ang mayor ng bayan ng Liliw, Laguna na baka kapusin ang kanilang pondong pambili ng relief goods ngayong pinalawig na ang enhanced community quarantine sa iba-ibang panig ng bansa.

Ayon kay Liliw Mayor Ericson Sulibit, ubos na ang kanilang calamity fund at municipal development fund, at paubos na rin ang natanggap na higit P9 milyon tulong mula sa national government.

Apat na beses nang nakatanggap ng relief goods ang mga residente mula sa barangay at munisipyo.

Umapela ang alkalde sa national governent na kung maaari ay madagdagan ang ayuda sa kanilang bayan, lalo at sila ay 4th class municipality lamang.

Ayon kay Sulibit, nangangamba rin siya para sa kanilang frontliners lalo at 6 nurse sa kanilang bayan ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa ngayon, ayon kay Sulibit, pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan na mag-realign ng 20 porsiyento sa 2020 budget, na nasa higit P7 milyon, para may magastos pa rin sa paghahatid ng tulong sa mga taga-Liliw.

Kasama ang Laguna sa mga lugar kung saan pinalawig hanggang Mayo 15 ang enhanced community quarantine, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.