Ilegal na Chinese clinic sinalakay sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 09:35 AM

MANILA -- Nakumpiska ng mga awtoridad ang kahon-kahong gamot, kabilang ang isang umano'y lunas sa COVID-19, mula sa isang ilegal na Chinese clinic sa Barangay Baclaran, Parañaque. 

May milk tea shop at real estate company sa ibaba ng gusali kung saan naroon ang clinic na may karatulang "Chinese Hospital", ani Barangay Captain Jun Zaide. 

Sa loob ng clinic na tumatanggap ng mga pasyenteng Tsino, mayroong aniyang mga kama, upuan at mga lalagyan ng gamot na mistulang hindi aprubado ng gobyerno at kailangang ipa-check sa Food and Drugs Administration. 

Base sa kaunting English translation ng Chinese labels, karamihan sa mga gamot doon ay mga injectables at para sa HIV, sexually transmitted disease, dengue at mga antibiotics. Meron din gamot na para umano sa COVID-19, ayon kay Dr. Olga Virtucio ng Parañaque City health office. 

Wala pang bakuna at lunas sa COVID-19, bagama't sinusuri ng mga awtoridad ang ilang posibleng gamot, ayon sa World Health Organization. 
 
Walang inaresto sa raid sa Parañaque. Pinaghahanap pa ang may-ari ng sinasabing ospital. 

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.