Ilang barbero sa QC pinagbigyang makapaghanapbuhay sa gitna ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 01:30 PM | Updated as of Apr 27 2020 08:40 PM

Ilang barbero sa Quezon City ang nabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay muli sa kasagsagan ng lockdown. Retrato mula sa Barangay Siena

Mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon noong Marso, isinara ang mga pagupitan at natigil ang paghahanapbuhay ng mga barbero.

Sa isang barangay sa Quezon City, ilang barbero ang nabigyan ng pagkakataong kumita muli sa kasagsagan ng lockdown.

Sa gusali ng Barangay Siena pinayagang maggupit ang 3 barbero mula sa karatig-barangay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay barangay chairperson Apples de Jesus, inimbitahan nila ang mga barbero na magbigay ng sebrisyo sa komunidad matapos magpa-survey kung gaano karaming residente sa kanilang lugar ang kailangan nang magpagupit.

Sabi ng mga barbero, malaking tulong sa kanila ang kinita nila sa isang araw na balik-trabaho para may maipambili sila ng pagkain at gamot para sa kanilang mga pamilya. Higit 60 residente ang naging kostumer ng mga barbero.

Nagpatupad ng physical distancing sa pila at tuwing matatapos ang paggupit sa isang kostumer, naghuhugas ng kamay ang mga barbero.

Nasa P70 ang singil ng mga barbero sa kada kostumer.

Ayon kay De Jesus, maaari pang masundan sa susunod na weekend ang paggupit kung marami pang residente ang mangangailangan.

Pinalawig ang enhanced community quarantine sa Metro Manila — na ipinatupad para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease — hanggang Mayo 15.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.