PatrolPH

'Fake news' ugat ng pagharang sa ilang OFWs

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 09:44 AM | Updated as of Apr 27 2020 10:05 AM

Watch more on iWantTFC

Nasindak ng fake news ukol sa COVID-19 ang ilang residente ng Batangas, dahilan para harangin nila ang convoy ng mga umuwing overseas Filipino workers na kailangan mag-quarantine sa naturang lalawigan, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration, Lunes. 

Kumalat ang maling balita na may COVID-19 at mga dayuhan ang ilang sakay ng naturang convoy kaya naharang ito sa bayan ng Lian habang pupunta sa Nasugbu, sabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac. 

"Nagkaroon ng fake news... Natakot iyong sa barangay kung saan andoon iyong resort-hotel at nagbarikada sila," sabi niya sa panayam ng DZMM. "Iyong fear factor na tinatawag, kahit anong koordinasyon e tatalunin nun." 

Nitong weekend, hinarang naman ng ilang barangay officials sa Pasig ang quarantine ng ilan pang OFWs kaya inabot sila ng nasa 12 oras bago nakahanap ng ibang tutuluyang hotel sa Quezon City. 

Tiniyak naman ng OWWA na dinadalhan ng pagkain sa loob ng bus ang mga OFW habang naghihintay sila ng alternatibong quarantine facility, ani Cacdac. 

Idudulog naman aniya ng ahensya sa militar na nagpapatakbo sa quarantine site sa World Trade Center sa Pasay ang ulat na marumi ang mga palikuran doon at palabas-labas ang ilang OFW. 
 
"Itong mga insidenteng nabanggit naman ay more of the exception than the rule," dagdag ni Cacdac. 

Mayroon aniyang nasa 7,000 umuwing OFWs na naka-quarantine sa Metro Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.