'Bumili ka ng condo mo': Frontliner sa Cebu City 'binastos' ng barangay volunteers

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 07:27 PM

CEBU CITY — Sasampahan ng patong-patong na kaso ang 3 volunteers ng Barangay Labangon matapos nilang harangin at hindi papasukin sa kanilang sitio ang residenteng nursing attendant at frontliner kontra COVID-19.

Sa video na kuha ni Janly Demol, hindi pinapasok ang isang babae ng ilang barangay volunteer sa kanilang sitio noong Abril 23.

Ang babae ay nursing attendant sa isang pribadong ospital.

Sabi nila, dahil galing siya sa ospital, bawal siyang pumasok. Sinabihan pa siya na bumili na ng condo unit.

Sa kabila ng pagmamakaawa ng babae, hindi siya nakapasok para umuwi.

Ayon sa barangay chairman, posibleng nataranta ang ilang barangay volunteer na hindi alam ang gagawin at posibleng wala silang impormasyon tungkol sa frontliner kaya hindi nila pinapasok hanggang sa nag-away na sila.

Pinagsabihan na niya ang mga volunteer na mali ang kanilang ginawa.

Pagkatapos humingi ng tulong sa mga pulis nang araw na 'yun ay pinapasok na rin ang babae sa kanilang sitio pero nang sumunod na araw ay lumipat na siya ng ibang pansamantalang tirahan dahil na-trauma sa nangyari.

Para sa Cebu City Legal Office, ito ay diskriminasyon laban sa isang frontline worker ng lungsod.

"We can establish a case, it is a prima facie maltreatment man to binastos man to," ani Rey Gealon, legal officer ng lungsod.

Pinag-aaralan na nilang magsampa ng kaso sa 3 volunteers dahil sa umano'y paglabag sa magna carta for public workers, maltreatment base sa Revised Penal Code, at paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa pag-discriminate sa mga frontline worker sa gitna ng COVID-19 crisis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.