'Aplikasyon para sa DOLE cash aid palawigin kasabay ng lockdown extension'

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 06:05 PM | Updated as of Apr 27 2020 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kasabay ng pagpapalawig sa enhanced community quarantine sa maraming bahagi ng bansa kontra pagkalat ng COVID-19, nagmamakaawa naman ang ilang "no-work-no-pay" workers ng ayuda sa pamahalaan. 

Dalawang kilong bigas at isang lata na lang ng sardinas ang pagkaing natitira ng mag-partner na sina Claire Santos at Jeprey Bacarisas.

"Isip ako nang isip saan kukuha, minsan mapapasigaw ka na lang ano na," ani Santos, na isang hair and nail technician bago ang lockdown. 

Construction worker naman si Bacarisas.

Parehong natigil sa trabaho ang dalawa dahil sa enhanced community quarantine. Pareho rin silang nag-apply sa cash assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) pero ni singko ay wala pa silang nakukuha.

Ang problema, may mga pamilya sila sa probinsiya na umaasa sa kanila.

"Magsasaka lang kami sa Samar. Nung nakarating ako sa Maynila nagsipag ako para di magutom, di ko akalaing ganito," ani Bacarisas.

Samantala, may sinusuportahan ding magulang at kapatid si Con Preza pero nagawa pa rin niyang kupkupin ang 3 assistant niya sa parlor na wala na ring maipambayad sa mga nirerentahang bahay.
    
Isa dito ang pamangkin niyang si Geneveive Preza na nakatakdang manganak sa ikalawang linggo ng Mayo.

Umaasa sila Con at Genevieve sa cash assistance ng DOLE.

Aminado si Con na balisa na siya sa dami ng problema dahil puro credit card ang ginagamit nilang panggastos.

"Hindi na po ako makatulog kakaisip paano babayaran wala naman magawa kasi wala po kaming cash," aniya.

Abril 16 nang itigil ng DOLE ang pagtanggap ng mga application para sa P5,000 cash assistance dahil sa kakulangan ng pondo.

Umabot kasi sa 1.6 milyong manggagawa ang nag-apply pero halos 346,000 na manggagawa pa lang ang nabigyan ng ayuda.

Ilang sektor na rin ang nanawagan na dagdagan ang pondo ng DOLE.
    
Ang labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), naniniwalang sa DOLE dapat ilagay ang pondo para sa ayuda sa mga manggagawa.
    
Maging si Sen. Joel Villanueva, nanawagan sa Department of Finance na suportahan ang COVID-19 assistance measures ng DOLE.
    
Kaya pakiusap ni Santos, kung hindi sila kayang tulungan ay pabalikin na lang sila sa trabaho.

"Habang tumatagal nababaon lang kami sa utang," giit ng nail technician.

Isang recovery program naman ang inihahanda ng DOLE para sa unti-unting pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawa kapag inalis na ang quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.