2 timbog sa pag-iinuman sa CDO; pinambili sa alak galing umano sa cash aid

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 03:45 PM | Updated as of Apr 27 2020 03:56 PM

CAGAYAN DE ORO CITY — Hinuli ng pulisya ang 2 lalaki sa lungsod na ito matapos silang maaktuhang nag-iinuman sa pampublikong lugar kahit pa may umiiral na liquor ban at community quarantine kontra COVID-19. 

Nangyari ang insidente sa Barangay Puntod noong Abril 24.

Ipinapatupad ngayon sa lungsod ang liquor ban sa mga pampublikong lugar dahil sa community quarantine.

Nagulat naman ang mga awtoridad nang malaman na ang 2 ay benepisyaryo ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dismayado din ang DSWD na ginastos sa maling paraan ang ayuda mula sa gobyerno.

Pambili sana ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya ang tulong mula sa SAP.

May halos 900,000 benepisyaryo ng SAP sa Northern Mindanao pero marami pa ring residente ang umaapela sa DSWD na mapasama sila sa listahan ng makatanggap ng ayuda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.